Galit Ng Lunes.docx
[Previously published in April 22nd, 2024]
Minsan, sabi ko sa nanay ko, “Ma, gets ko na pala bakit bigla nalang nanakita mga ibang tao okaya parang may gusto nalang silang sunugin.” “Kasi diba ang nakagawian, sabi magsunog ng kilay sa paaralan, kumuha ng matinong trabaho at maging maunlad Pero ginawa ko man iyon, hindi siya sapat. Sa ngayon, ikalawang beses ko ng bumukod, ilang matinong trabaho na ang lumipas pero tuwing naghahanap ako ng marerentahan kailangan ko pang magpasalamat na atleast yung matitirahan ko may sariling banyo. Na noong isang buwan lang kinukumbinsi ko pa ang sarili ko na basta may matirahan lang pwede na ‘to, kahit na sampo kaming tao sa iisang kwarto na ilang hakbang lang ang espasyo. Limang libo kada buwan na ang sabi ng landlady, eto na ang pinakamaganda kasi walang downpayment at walang bayad ang kuryente at tubig. Pero na kakarampot na espasyo, rinig mo bawat kibot ng katawan at mga alarm mula sa mga morning shift, mid shift at graveyard. Sa labas, makikita mo, iyong mga may bahay puro dayuhan, sila lang din yung may kayang magrenta ng condo sa malalaking gusali na halos kainin mga ulap . Sila ang mga nakakapaglakad ng matiwasay sa mga subdivision pero ako nasa kabila , sa sira sirang daan na tuwing eleksyon lang inaayos pero kapag naiupo na, bubungkalin ulit. Kaya randam ko yung galit.” Natapos ang biyahe namin, nagpaalam ako. Isang lunes nanaman ang naghihintay. |